209 business establishments sa Boracay minultahan ng P43M dahil sa paglabag sa “environmental laws’

Press Releases

Umabot sa 209 business establishments sa Boracay ang minultahan ng aabot sa P43 milyon matapos mapatunayan ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na lumabag ang mga ito sa mga batas pangkalikasan.

Ang PAB ay isang quasi-judicial body na dumidinig sa mga kaso ukol sa mga paglabag sa batas pangkalikasan na nagmumula sa mga regional office ng DENR.

Ayon sa report ng PAB, ang multang ipinataw sa mga lumalabag na establisimyento sa Boracay ay mula P10,000 hanggang sa milyong piso base sa haba ng panahon at pagkalala ng paglabag ng mga ito.

Binigyang-diin ng kalihim ng DENR na si Roy A. Cimatu ang patuloy na pagbabantay sa mga paglabag na may kinalaman sa polusyon at mabilisang paglilitis sa mga kaso na ihahain sa lupon.

 Ayon kay PAB presiding officer at DENR Undersecretary Rodolfo Garcia, napadalhan na ng babala ang mga may-ari ng mga naturang establisimiyento na kinakailangang magbayad ng multa dahil sa kanilang paglabag sa batas.

“We at the DENR believe that anyone who pollutes or destroys the environment must pay the cost for that destruction,” sabi pa ni Garcia.

Aniya, tanging ang mga establisimiyento na nakapagbayad ng multa ang makapagpo-proseso ng kanilang permit to operate at kinakailangang hindi na muling lalabag ang mga ito sa mga batas pangkalikasan.

“The DENR, together with other concerned government agencies, is firm in its resolve to clean not only the waters and air of Boracay and to manage its solid waste. It also wants to clear Boracay of irresponsible and greedy business people who have placed care for the environment their least priority,” dagdag pa ng opsiyal.

Sinabi pa ni Garcia na magpapatuloy ang rehabilitasyon ng Boracay kahit na binuksan na ito sa mga turista noong Biyernes. “We will continue to monitor all establishments and impose the necessary penalties should they be found breaking laws,” aniya pa.

Base sa talaan, 110 sa kabuuang 209 bilang ng establisimiyento ang napatunayang lumabag sa Section 1, Rule 19 ng Republic Act (RA) 8749 o ang Clean Air Act, samantalang 72 naman ang walang kaukulang discharge permit para sa water pollutants na nakasaad sa Section 27(c) ng RA 9275 o Clean Water Act. Lima naman ang may iba pang pagsuway sa RA 9275 habang ang iba ay nakitaan ng paglabag sa RAs 8749 at 9275.

Leave a Reply