DENR handa na sa pagtitipon na magsusulong ng environmentally sustainable landscapes

National, News, Press Releases

Handang-handa na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa gaganaping 78th International Federation of Landscape Architects-Asia Pacific Region (IFLA-APR) Congress na pangungunahan ng Philippine Association of Landscape Architects (PALA).

Ito ay dadaluhan ng 300 participants na isasagawa sa November 7-9 ng kasalukuyang taon sa Cebu City, ang IFLA-APR Congress ang isa sa pinakamalaking pagtitipon ng landscape architects at mga kinatawan ng iba’t-ibang sangay ng kaalaman mula sa Asia Pacific region.

Ang DENR ay sumusuporta sa PALA sa pangunguna nito sa gaganaping IFLA-APR Congress na may temang “CommonsSense: Linking the Commons and Engaging the Community in Sustainable Development.”

Ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu, ang tema ngayong taon ay napapanahon dahil nabibigyang diin nito ang papel ng disenyo sa pagtataguyod ng social and environmental sustainability sa panahon ng climate change.

“We firmly hope that the congress will generate valuable knowledge to make communities sustainably safer, healthier and more conducive to productivity amid the adverse impacts of climate change,” sabi pa ni Cimatu.

Sa gaganaping plenary sessions, ilang DENR senior officials ang magbibigay ng kaalaman kung paano natutugunan ng pamahalaan ng Pilipinas ang tinatawag na “human at environmental pressures” na nakaaapekto sa coastal at marine ecosystems.

Tatalakayin ni DENR Assistant Secretary Gilbert Gonzales ang isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay partikular na ang epekto ng basura sa tubig at marine biodiversity at ang pagsisikap ng gobyerno na maibalik ang ganda at linis ng naturang makasaysayang baybayin.

Patuloy ang DENR sa paghahanap ng solusyon kung paano mababawasan ang dami ng basura na nagmumula sa mga komunidad at industriya na nakapaligid sa Manila Bay.

Tungkol naman sa karanasan sa Boracay ang tatalakayin ni Assistant Secretary Marcial Amaro, Jr. at kung paano nagtagumpay ang pamahalaan upang hindi masira ang coastal at marine environments ng isla sa loob ng anim na buwang pagsasara para sa rehabilitasyon.

Nakatalaga naman si Assistant Secretary at Biodiversity Management Bureau Director Ricardo Calderon sa pagtalakay sa mga ginawang pagsisikap ng pamahalaan upang mailigtas ang coral reefs at mga isda sa karagatan sa pamamagitan ng pagtatatag ng marine protected area networks.

Ang PALA ay ang nag-iisang organisasyon na kumakatawan sa propesyon ng landscape architects sa Pilipinas. Adbokasiya nito ang pagkakaroon ng landscape design na may pagpapahalaga sa kapaligiran at ekolohiya.

Leave a Reply