DENR pinangasiwaan ang relokasyon ng mga nasunugan sa Vasra

National, Press Releases

Nakipagtulungan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng permanenteng relokasyon ang mahigit kalahati ng 100 pamilya na nawalan ng tirahan matapos ang sunog sa komonidad ng mga informal settlers sa Barangay Vasra sa Quezon City noong December 31.

Ayon kay DENR Assistant Secretary for Finance, Information Systems and Mining Concerns Nonita Caguioa, 56 pamilya na nasunugan sa Sitio Palanas, na nasa tabi lamang ng DENR Central Office, ang nakalipat na sa kanilang mga bagong bahay sa resettlement site ng National Housing Authority sa Norzagaray, Bulacan.

Bago ang relokasyon noong January 30 at 31, pansamantalang tumigil ang mga nasunugan sa covered court sa loob ng DENR compound.

“On orders of Secretary Roy Cimatu, the DENR offered the covered court to serve as temporary shelter for the fire victims and coordinated with the NHA for their immediate relocation,” saad ni Caguioa na namahala sa relokasyon katuwang ang mga kinatawan ng NHA at Metropolitan Manila Development Authority.

Anim na pamilya pa ang naghihintay ng relokasyon at ang natitirang 38 ay sumasailalim pa sa pre-qualification assessment ng NHA.

May 1,900 square meters na lupain ang naapektuhan ng sunog sa loob ng 7.4 hectare na pag-aari ng DENR.

Sa kabuuang lupain, 4.7 hectares lang ang nagagamit ng DENR samantalang ang natitirang 2.7 hectares ay tinitirhan ng informal settler families na karamihan ay nandoon na sa lugar mula pa noong 1950s. (DENR)

Leave a Reply